Archive for July, 2011


“Iyong iyo ang araw na ito, piliin mong maging masaya at magiging masaya ka sa araw ng iyong kapanganakan, ‘pag pinili mo na mag-sarili at maging malungkot ay magiging malungkot ka talaga sa araw na ito” – horoscope ko sa dyaryo.

binuksan ko ang araw ko sa pagbabasa ng aking kapalaran sa dyaryo. Naghahanap kung anu ba ang masusuwerteng bagay at mga numero para tumaya ako sa lotto habang suot suot ang masuwerteng kulay ngayong kaarawan ko sa pamamagitan ng pagsuot ng damit..

Napaka literal ng sinasabi sa diyaryo siyempre ba naman, sa dami ba naman ng tao na pinanganak sa araw na ito,mahulaan mo kaya ito? Pinagsama sama lang sa isang zodiac sign..napaka “general” ng sinasabi pero malalim at napaka makahulugan..(ang hindi maka intindi walang utak)

Eto naman ang horoscope ko sa internet..(ang babaw lang para hindi ko birthday)

“A despondent friend may need some cheering up. Your ability to nurture and listen sympathetically will definitely prove beneficial, Cancer. Take care not to absorb any of this person’s dejection. Hang on to your enthusiasm and optimism while showing compassion for others”

teka bakit yung ibang tao yata ang may kelangan sa akin,eh diba araw ko ‘to..kaarawan ko ito eh, dapat tungkol naman sa magagandang mangyayari sakin,puro nalang others..

bersyon ko naman ng horoscope ko ngayong araw na ito..

“if i am here to help the others, then what exactly the others here for?”

Maraming bumati, bumabati at mga nais bumati..marami kung iisahin isahin ko pa..pero maraming salamat sainyong lahat, halos “sixty’ ang bumati sa facebook, sa pamilya na personal na bumati at sa mga nagtxt na mga kaibigan at mga tumawag para bumati lang(special mention to michelle nebres)..maraming salamat sainyo!

halos ordinaryo lang ang panimula ng araw ko..ganun pa din sa umaga..iyakan ang mga bata..higop ng kape at isang pandesal lang ang almusalan..parang hindi ko ramdam ang aking kaarawan pero alam ko naman sa sarili ko na hindi importante ang selebrasyon o mga regalo na natanggap, nagpapasalamat nalang ako sa Diyos na lumikha sa isang taon na naman na pakikipagsapalaran sa ibabaw ng mundo…hindi nako pumuntang simbahan kasi nagdasal na kami kasama ang aking mga mag anak kahapon,kahapon ay araw ng linggo pero gayunpaman eh nagdasal parin ako at nagpasalamat kahit nasa bahay lang..sa kabila ng lahat eh parang nakakalungkot parin kasi hindi katulad noong huling taon ay sobrang nag party party pa kami eh ngayon eh lumalaki na ang pamilya kaya praktikalan na.(kaya pasensya na sa mga kaibigan ko na mga lasenggo, at isa pa ay hindi na rin ako umiinum gawa nga ng abs na iniingatan kong mawala sa tiyan ko.)
Nagluto ako ng isda at hipon para sa tanghalian at pagkatapos nun ay bumili ng sorbetes para pag saluhan ng pamilya…masaya kaming nagtatawanan habang nasa hapag kainan ng aking mga pamilya pero ang naiyak talaga ako ng sobra ay ng kumanta na ng “hapi bortdey to u” ang aking panganay na si marley..nakakatuwa sana pero nakakalungkot din kasi kelangan na din naming umuwi sa Makati para maghanda na naman sa aming trabaho ni daisy. Nakakalungkot talaga ang aking kaarawan, maiiwan na naman ang aking mga anak sa bulacan.. hindi ko man lang sila kasama ng buong araw sa espesyal na araw kong ito..
Anibersaryo nga din pala namin ni daisy ngayon araw ng aking kaarawan, parehong araw na sinagot nya ako ng mtamis nyang oo..saka siguro ginawa naming praktikal para isang selebrasyon nalang ang aming ipagdiwang at siyempre para sa akin a hindi ko rin makalimutan.
Humahangos, natatakot ang aking kapatid na babae na pinakamalapit sa akin sa apat kong mga kapatid ng tumawag sa aking sa telepono pero naputol rin ito kaya nag txt nalang siya..Natatakot sya nab aka ako ay pumanaw na ngayong araw na ito..hindi kop ala nasabi sa kanya na hindi kami natuloy sa bora kasi kulang ang pera at may trabaho rin si daisy kaya hindi talaga pwede..napanaginipan nya daw ako na nalunod sa dagat, kitang kita nya daw sa panaginip, lumulutang lutang sa dagat ng walang buhay kaya sbi niya ay wag na akong tumuloy sa bora ngayong araw na ito pero buti nalang at hindi naman talaga kami matutuloy sa araw na ito.. “mag ingat ka ngayong araw na ito kasi masamang pangitain yun.” wika ng kapatid ko.
tumayo ang aking mga balahibo..lahat yata ng balahibong pwedeng tumayo sa akin ay nagsitayuan na..kinakabahan ako at pinagpapawisan..iniisip ko kung huling araw ko na ba talaga ito sa mundo…iniisip ko kung totoo ba ito kasi ganun din ang napanaginipan ko kagabi..malinaw rin ang mga larawan sa panaginip ko..inuuod na daw ako at ang huling nakita ko eh hinawakan ko ang uod sabay namatay na ako..hindi ko na dinagdagan pa ang kaba ng kapatid ko kaya hindi ko na ikinuwento ang panaginip ko baka mahimatay pa siya..
Inilihim ko kay daisy ang lahat..pero halatang halata sa akin na balisa ako at kinakabahan. hindi mapakali kung huling araw ko na sa mundo..bago kami umalis sa bulacan ay niyakap ko ng mahigpit ang aking mga anak..iniisip ko pa rin ang masamang pangitain ko at ng kapatid ko. kami ay nagpaalam na ni daisy at nag abang na ng bus sa may harapan…five star ang pangalan ng bus na aming nasakyan at cubao ang nakalagay sa “placard” nito pero bababa kami sa GMA kamuning nalang..nakaupo kami pero magkahiwalay nga lang kaya hindi kami nabigyan ng pagkakataon na makapag usap..iniisip ko kung paanu ba ako mamatay..mahuhulog kaya sa bangin ang bus o mabubundol kami ng isang trak..maraming naglalaro sa aking utak at dahil doon ay hindi ako nakatulog sa buong biyahe namin pabalik ng metro manila, iniisip ko pa rin kung magkakatotoo ba ang aming pangitain..

maraming “signos” akong nakikita..at ang pinaka malala ay ang madreng halos katabi ko sa upuan sa bus na aming sinasakyan (seryoso ito). Merong isang madreng nakasakay malapit sa aking upuan..katapat ko siya at parehas kaming hindi malapit sa bintana kaya halos parang katabi ko na siya…kung tutuusin parang isang eksena sa isang pelikula ang iniisip ko sa mga sandaling iyon..yun bang mahuhulog kami sa isang bangin tapos magdadasal ang madreng kasama namin sa sasakyan..lumakas pa lalo ang aking kaba at dahil doon ay nagdasal ulit ako..
“panginoon maliliit pa ho ang mga anak ko pero kung ito ay inyong plano at ito na ang katapusan ko ay papayag na ako..maraming maraming salamat ho sa buhay na ibinigay niyo, alagaan nyo ho ang mga anak ko para sa akin, naniniwala ako sainyo” gusto ko pa sanang dagdagan ng “hail mary” , “our father” at kung anu ano pang dasal na naiisip ko pero mas epektib siguro kung sarili mong gawa ang dasal mo..naiiyak ako para sa mga maiiwan ko..ang mga anak ko, si daisy kahit puro kunsumisyon ako eh masasaktan yun pag nawala ako, mga kapatid, ang nanay ko, yung paborito kong lola, naawa rin ako kay bantay (wala nga pala kaming aso)..naawa ako sa mga pusa sa bulacan na pinapakain ko, sa mga butiki na binibigyan ko ng langaw na makakain, at kung anu ano pa.
Dumating kami ng mapayapa sa aming destinasyon sa GMA kamuning at imbes na mag eem-MRT sana kami ay nagpasya akong mag taxi na kasi parang napaka “morbid” ng aking kamatayan kapag nasagasaan ako ng tren. Nakarating ako sa bahay ng mapayapa..natutuwa ako na walang masamang nangyari sa akin, tuloy parin ang buhay ko at agad nagpasalamat sa Diyos na may likha..nagpasalamat na umabot ako ng bente sais na taon dito sa mundo pero hindi ko pa alam kung aabot ba ako sa bente siyeteng taon pero abangan..
Tumunog ang aking telepono.nagtext ang aking kapatid..inaaya nya ako na kumain sa labas kasi ililibre nya raw ako at para rin daw ibigay ang regalo sa akin ng aming mahal na inay…pumayag ako para rin mapag usapan namin kung anu ba talaga ang panaginip nya at para rin ikuwento ko ang aking bersyon ng aking panaginip…isinama ko si daisy kahit wala pa siyang tulog sa araw na iyon(may pasok siya ng alas diyes ng gabi)..isinama ko siya kasi baka kasi anong mangyari sa akin atleast ay merong mag aalalay sa akin…iniisip ko pa rin ang pangitain hanggang sa gabing ito pero hindi na ako masyadong kabado..
Kumain kami ng spaghetti at isang family size na pizza pie sa Greenwich at sabay nagkuwento at nag kamustahan na rin kami ng aking kapatid..buti nalang daw at walang nangyari sa akin sa araw na ito..buti nalang talaga at marami pa akong gusting gawin sa buhay ko..pinapangako ko po..magbabago na ako.
Mag aalas diyes na ng kami ay makaalis sa aming pinagkainan..iba’t ibang direksyon ang aming paroroonan..ang kapatid ko ay papasok na rin sa opisina malapit doon sa market market at si daisy naman ay inihatid ko sa taxi papuntang ayala..kinabahan ulit ako kasi mag isa akong uuwi sa aming bahay sa west rembo, Makati..ayan na naman ang aking mga imahinasyon na baka mamatay ako sa araw na ito..iniisip ko kung baka may mang holdap at patayin ako o kaya naman sumabog ang dyip na sasakyan ko pero sa awa ng Diyos ay ligtas at buong buo ako nakauwi sa bahay ko at bago pa man matapos ang kwento at ang araw ko ay nanood nalang ako ng isang PORNO! ( maria ozawa )

Animalandia!..

Posted: July 14, 2011 in Extra Service

Gutom na gutom, pagod, nangangawit ang paa. Ganyan ang pakiramdam ko pagkauwi namin sa aming bahay ng mag aalas diyes na ng gabi. Agad ko naman inayos ang aking pinamili at ang mga gamit naming mag anak. habang sinasariwa ko ang aking mga karanasan sa subic bay habang nakahiga sa aking kama kasama ang aking mga anak at asawa ay napapangiti nalang ako at siyempre Masaya na buo kaming pamilya na nagsama sama kahit sa dalawang araw lang at ang sumunod na mga pangyayari ay nagising nalang akong bigla. Umaga na pala.

Hayaan nyo akong ikwento sainyo ng detalye kung anu ang nangyari sa akin sampu ng aking pamilya noong nakaraang katapusan ng linggo kasi kung ayaw mo eh di gumawa kana lang ng blog mo. Alas sais ng umaga ng ako ay magising sa mga kalampag sa baba ng aming bahay. Ang kapatid at ang ina ng aking asawa ay gising na at nag aasikaso na para kami ay makaalis ng maaga. Alas sais ng umaga sana ang aming usapan para umalis at para rin makarating sa aming paroonan ng maaga at dahil siyempre ay Pilipino kami ay alas otso na kami nakaalis. (basahin ang tungkol sa oras ng Pilipino sa mga nakaraang kwento).

Sabik at Masaya ang aking nararamdaman, ganun din ang aking mga anak kahit si marley na aking panganay ay hindi nagsasalita kasi sa biyahe ay natutulog lang siya habang si bob naman kahit na alam kong wala pang pakiramdam ay halatang halata ang kanyang pagkatuwa sa sobrang likot at harot niya habang kami ay nasa biyahe. Kami naman ng aking asawa ay nagpakiramdaman lang kung sinu ang unang makakatulog sa amin habang naghihintay na makarating sa aming paroroonan. Ang palaro ay nagsimula na, agad akong pumwesto ng maganda para ako ang unang makatulog ngunit habang ako ay nakapikit na isang bata babae ang biglang umiyak..ang panganay ko ay nagising na at naghahanap na ng kanyang dede kaya agad ko siyang binigyan para tumahimik na. iniisip ko pa rin ang aming laro ngunit ng may marinig akong may humihilik na ay bigla ko ng naisip na ako ay talo na, mahimbing na mahimbing na ang pagkakahimlay ng aking asawa. Miyembro siya ng “masandal tulog gang”. *apir!

Eksaktong alas onse ng umaga ng kami ay makarating kasi sobrang bumuhos ang ulan sa aming biyahe, para may bagyo at parang animo’y pinipigilan kami ng panahon na huwag nalang tumuloy sa aming papasyalan pero hindi kami papatalo dapat “think positive”.. nagpahinga, kumain at nag ikot ikot sa bahay na aming tutuluyan, malaki at maganda, kumpleto sa gamit at ayon sa aking bubwit isang heneral na amerikano ang nag mamay ari ng bahay na aming tinutuluyan, sa pagkakaalam ko ay naging tirahan ng mga dayuhang amerikano ang subic noong panahon ng giyera kaya nga lang hindi ko alam kung world war 1 o world war 2 ba ito o kahit anu pang giyera ang pinagdaanan nila ay wala na rin tayong pakialam sa kanila basta ngayon ay tinutuluyan ko na ang naging bahay bahayan nila..

Umuulan pa rin, galit na galit ang panahon, nakakatamad, at nakakagutom parang ang sarap humiga at humilata nalang buong maghapon. Nagluto na ang aming mga kasama ng aming tanghalian at saktong ala-una dawn g hapon ay kami ay aalis na para mamasyal sa sinasabi nilang “duty free” sa subic at mag su-swimming daw pagkatapos. Kuha doon, kha dito.. tingin ng presyo, isinasalin sa peso ang mga presyo na nakalagay sa dolyar..sabi nila mas mura daw ang mga bilihin dun kasi wala daw yatang tax, pati nga gasolina ay mas mura ng limang piso kaya ang ginawa namin ay pina puno na namin ang aming ginagamit na sasakyan. Natapos kami sa aming pamimili and we are planning to go to the beach already but it is still raining outside so they decided to just cancel the swimming for the day but I really want to go and swim, I prepared for this and I was thinking that even if it’s raining or not we will still get wet if we will swim..(nagtataka siguro kayo kung bakit naging English ang sulat ko, kasi naman parang halos foreigners ang mga namimili at English speaking talaga kahit mga pilipinong namimili so there, I am writing now in English-tagalog.)

The day is still young when we are just watching in our rented house in subic, I’m freaking bored and its feels like I want to kill myself because of boredom, I can’t go anywhere, it’s raining hard. Potah! Ang hirap mag English parang natutuyo ang utak ko. maganda naman kung tagalog para mas lalong maintindihan mo at ng maraming Pilipino. you know… takbuhan, tawanan, kwentuhan habang si bob ay umiiyak kasi inaantok na pero ayaw din makatulog kasi nakikipagharutan din sa mga bata.. nagbukas sila ng mga tsokolate na binili nila sa duty free, sarap na sarap sila at habang kumakain sila ng aming pinamili ay nahiga higa nalang ako at nag iisip na sana umaraw na bukas para hindi naman masayang ang punta namin sa subic para mamasyal, sana ubusin na ang ulan ngayong araw para umaraw na kinabukasan. Sana. Sana lang.

Araw ng linggo. Maaga ng kami ay magising ng aking mag anak kinabukasan, agad akong bumalikwas para tingnan ang labas kung aaraw ba o uulan pa..delikado, maulap parin sa labas pero hindi na masyadong umuulan kaya agad kaming nag almusal para makaalis agad. Habang nasa biyahe na inabot din yata ng kalahating oras ay merong pabugso bugsong pag ulan na nag pahirap sa amin sa pamamasyal sa ZOOBIC. Umuulan na naman, maputik at parang ang hirap gumalaw lalo na kasi may kasama kaming dalawang bata (it’s not advisable to go there if you have a toddler or an infant because it’s really tiring for you and for the kid, mas maganda kung mga limang taon na ang bata pataas na kaya ng umintindi ng mga nangyayari sa kapaligiran niya at kung alam na niya ang mga uri ng hayop dito). Agad kaming kinunan ng litrato ng mga empleyado sa zoobic. Maganda ang kuha, pinakita agad sa amin, ang galingkasi napalitan na ng background agad na parang nasa gubat kami nagpakuha pero ng tanungin namin kung magkanu ay medyo na-disappoint kami kasi sa isang litrato na medyo malaki ay halos limang daan na kaya sabi ko sa sarili ko i-tag mo nalang kaya ako sa FB o send mo nalang sa e-mail ko o kaya naman itago nyo nalang para sa mga koleksyon nyo ng mga pamilyang nagiging praktikal sa buhay kasi sa limang daan mo ay pwede mo ng pakainin ang limang mahihirap na pamilya pero saying ang ganda sana ng mukha sa kuha nilang iyon. Kinalimutan ko ang litrato. Dumiretso kami sa kanilang lobby para hintayin daw ang “tour guide”. Habang naghihintay ay meron ka ng makikita apat na tigre sa kapaligiran, natutulog, naglalakad sa kanilang kulungan, meron din isang baboy-ramo na pagkakita ng aking panganay ay bigla niyang sinabi “si MAMA o” sabay turo sa baboy-ramo. Ang ganda ng tigre na kulay puti, sobrang laki, parang isang kagat lang niya ay mapapatay na niya ang isang tao, nakakagimbal kasi parang naiisip ko paano kaya kung makawala ang mga tigreng ito at bigla kaming kainin lahat dito.mero din isang maliit na tigre na dumedede na pwede kang magpakuha ng litrato sa halagang 450 sa tatlong piraso..tsk tsk tsk..paanu kaya kung biglang kainin ng tigre ang mga nagpapalitrato?
Group number 2! Group number 2!. Tawag ng isang lalaki na aming tour guide sa zoobic. Agad kaming pinaalalahanan kung anu ang mga pwede at hindi pwedeng gawin habang nasa loob ng kanilang zoo at makalipas ang limang minuto ay kami ay tumungo na sa loob..

FIRST STOP: Serpentarium – ibat-ibang uri ng mga ahas.. maliliit at malalaki.

SECOND STOP : isang presentasyon ng mga alagang hayop na tinuruan nila ng iba’t ibang tricks. Mga daga. Baboy-ramo, ibon, at yung parang squirrel (hindi kasi ako nakikinig sa tour guide namin)..nagsimula ito sa isang aeta na gumagawa ng apoy sa pamamagitan lang ng kawayan. Ang galling nung aeta pero bago siya nakagawa ng apoy sa kawayan ay naka dalawang ulit siya..nakakatuwa kasi pagkatapos ng presentasyon nila ay tinuturuan nila ang mga manonood na alagaan ang kapaligiran kasi unti unti na itong nauubos.. palakpakan ang mga tao at tumawag na ulit ang aming tour guide, pinasakay kami sa isang parang tren na umaandar sa kalsada hindi sa riles at kelangan mong magbayad ng singkwenta bawat isang tao para makasakay dito.

THIRD STOP: kweba at mga museum na gawa gawa lang nila..mga bungo ng hayop ang iyong makikita. Mga pekeng ahas at mga iguana ang nilagay nila para lang manakot sa mga turista at marinig ang mga tili nito at para rin siguro malaman nila kung sinu ang mga tunay na lalaki sa mga namamasyal..siyempre ako hindi ako natakot at tumili.

FOURTH STOP: Tiger’s den – ito yung lilipat kayo ng sasakyan sa isang customized jeepney na balot na ballot ng mga rehas para hindi mapasok ng mga tigre..bago ka pumasok eh kelangan mo nga pala munang bumili ng isang buong manok na nagkakahalaga ng dalawang daan piso para daw lumapit ang mga tigre sa aming sinasakyan. Isa rin aeta ang sumakay para sila ang magbato at magpakain sa mga tigre kasi delikado kung kami mismo ang magpapakain sa mga ito..nakakatakot habang parang sumisigaw ang mga tigre at nag aagawan sa manok na aming dala…ang laki at ang tutulis ng mga ngipin..isang kagat lang eh halos maubos na ang isang buong manok. Itinapon ng aeta na nakasakay sa aming sasakyan ang natirang manok sa bubong ng aming sasakyan at bigla namang sumampa ang tigre sa bubong ng sasakyan para ubusin ang natirang pagkain..pinaandar na drayber ang auto habang nasa bubong pa ang tigre para daw bumaba na ito at sa kabutihang palad naman ay bumaba na ito habang papalabas na rin kami sa kanilang kulungan. tingnan ang larawan.

FIFTH STOP: souvenir’s shop – magpapahinga daw muna kami ng kalahating oras at pwede raw kaming tumingin tingin o kumain muna sa isang canteen nila sa loob ng kagubatan kung saan kami ibinaba ng aming sasakyan na parang tren. At dahil praktikal kami ay kinain nalang namin ang mga sandwiches na gawa namin noong umaga bago umalis sa bahay at bumili rin ng konting ma ididisplay sa bahay bilang souvenirs.

SIXTH STOP: tanghali na ng umalis kami at ipagpatuloy ang aming pamamasyal at ang sumunod naming nakita ay ang mga savannah o ostrich at napakaraming baboy-ramo ang nakakalat kalat lang sa kapaligiran. Meron ding mangilan ngilan na mga tupa at kamibing.. nakakamangha ang taas ng mga ostrich..mas mataas pa sa akin pero harmless naman daw ang mga ito kaya habang kami ay nagpapatuloy sa pamamasyal ay nasa gilid lang namin ang mga hayop na nagkalat lang sa kagubatan.

SEVENTH STOP: museum ulit ng mga balat naman ng hayop..balat ng tigre, ng tupa, ng kambing at kung anu ano pang balahibo ng ostrich na aming nakita.

EIGTHTH STOP: huling tigil na at ang main event na daw nila..ang CROCO LOCO..mga buwaya na nakanganga. Parang hinihintay na kami para pakainin sila..singkwenta pesos ang isang karne na ilalagay sa isang kawayan na may lubid para daw ipakain sa mga ito. Nakakabato naman ang mga hayop na ito kasi kung hindi natutulog eh naka nganga ito na parang mga istatwa. Agad na kaming umalis para makapag pahinga na muna bago kami pumunta sa sunod naming papasyalan..inihatid na kami ng sasakyan na parang tren sa lobby, ganun pa rin ang eksena, mga tigreng naka kulong at medyo namamaho na dahil sa dumi at ihi na naghalo halo na sa iba’t ibang hayop na nakapaligid dito..nagpasalamat ang aming tour guide sa aming pamamasyal sa zoobic at muling pinaaalalahan na ingatan ang kalikasan at bilang ganti daw ay meron silang isang maliit na presentasyon galling sa mga natives o sa mga eta..tatlong aeta ang nakabahag..isang may hawk ng gitara at ang dalawa ay sumasayaw..iba’t ibang sayaw..tutubing sayaw (para pigilan ang pag ulan), unggoy na sayaw(para makakuha ng magandang anis a mga prutas) at ang mandirigma na sayaw(para piliin ang pinaka magiting na mandirigma) na ayun sa kanila ay isa raw ritwal na lagi nilang ginagawa..sa aeta’s presentation lang yata ako natakot ng husto kasi ito lang yung may gulat sa mga napasyalan namin sa loob ng gubat nila..literal ang sinasabi ko..may gulat kasi sila mismo ang nang gugulat sa mga turista at maging ako ay napatakbo kasi kala ko eh sinapian sila ng masamang ispirito…

Alas dos na ng hapon ng kami ay tumulak na papuntang OCEAN ADVENTURE para makakita ulit ng mga hayop na minsan mo lang sa buhay mo makikita..kumain muna kami sa aming sasakyan bago pumasok sa loob at pagkatapos magpahinga ng iba ay sabay sabay kaming nagbayad at nagpakuha ng larawan sa ocean adventure..kung tutuusin ay medyo may kamahalan ang tiket nila at sabi ko pa nga nung una ay napakamahal at baka hindi rin sulit pero nagkamali pala ako ng duda..

Limang daan at singkwenta ang para sa matatanda at apat na raan at limampu naman sa mga bata na may taas na tatlong pulgada pataas, siyempre ang aking bunso ay wala pang bayad pero bigla akong kinabahan sa aking panganay kasi medyo malaki na siya sa tatlong taas(3 feet), pinasukat siya ng nagbabantay sa kanilang sukatan na kahoy at dahil tatlong taas at may tatlong pulgada (3 feet and 3 inches) na ang aking panganay ay kailangan na naming bayadan siya ng apat na raan at limampung piso. At dahil sa panghihinayangan ko ang pera ay parang gusto ko ng itaas ang kahoy na sukatan para lang hindi ko siya bayadan..

Nakapasok na kami and since we are running out of time already, we didn’t waste any of our time. We went to the show where you can see a lot of animals performing. Eagle, bat, snake, dog, cat and owl they are really amazing..They have different tricks and why am I writing in English again? There’s a lot of foreigners here and Filipinos that are talking in English so that’s why I am also pretending that we can talk in English, we are fluent but all of sudden after the show, my daughter called my attention and said “dada, wiwi nako!” sablay ang pag pretend namin so we didn’t talk nalang..hahaha..so I’ll not pretend na.

The only thing that is remarkable in the ocean adventure show compared to the zoobic show is the bat that is performing different tricks; it’s very rare that you can see a bat that is well trained so that is the only thing that amazed me on the show, funny thing is that there’s another native that is doing the exact act of the aeta in zoobic..He is creating a fire using a bamboo wood and he didn’t get it during the first time so the audience got bored and there’s a man shouted at him “magdala kana lang ng lighter!”and “eto lighter para matapos kana”..We all laughed but that is some kinda rude. (why am I writing in English if my English grammar is so shallow so I swear I’ll continue this writing in our own language)

Nakakahawa kasi ang mga nasa paligid mo na nagsasalita ng english kaya tuloy napapa English ako.so going back..After that show..We went to the sea lion show..I’ve never seen a sea lion in my entire life so I’m excited to watch the show..nakakatawa at nakakamangha ang mga tricks na ginagawa nila..sila zofie, zooey at si zandra ang mga naalala kong mga pangalan ng mga ito..ang ganda tlaga ng pagkatanghal nila, nakakamangha pati ang storyline ng kwento. dahil sa pagod at gutom na ang naghahalo sa aming mga katawan eh parang nanghihina na kami na tumulak pa sa isang show pero siyempre sayang ang binayad namin at ang mga bata ay super hyper pa kasi hindi naman sila ang nahihirapan. Pagod nako kaka karga sa kanila kaya nga sinabi ko sa umpisa na hindi talaga advisable ang mga batang limang taon pababa na isama sa ganitong lakad kasi hindi pa naman siguro nila naiintindihan ang mga sinasabi ng mga tour guide namin kung anu ang mga scientific name nila,,saang kingdom sila galling, at kung anu ang mga kinakain nila..

Tumigil na ang ulan at medyo may kainitan na ang panahon kahit palubog na rin ang araw pero mas mabuti nay un kesa naman sa umuulan at may dala dala pa kaming mga bata. Nagpahinga kami ng ilang minuto sa isang kwarto na malamig, at pagkatapos noon ay tumungo na kami sa huling show ng mga dolphin. Si tonka at si haley lang ang mga naalala ko sa kanila siguro dahil pagod na rin ako.. maganda rin ang show pero halata sa mga hayop na pagod na rin sila kaka perform ng kanilang mga tricks sa buong maghapon…nakaka mangha talaga ang may ideya ng ocean adventure..napaka gandanag pastyalan ng buong pamilya..at siyempre bago matapos ang kanilang show ay muling pinaalalahanan ang mga tao na alagaan ang mga kalikasan..mga plastic sa dagat ay maaring makamatay ng mga hayop na naninirahan dito kaya ang sinasabi nila lagi ay lagging mag recycle ng mga bagay na hindi nabubulok, alagaan ang kalikasan at bantayan ang mga ito. Meron pa ngang isang gimik doon na may nakalagay na “ the dangerous predator” at pag tumingin ka eh sarili mo ang iyong makikita..kaya tao din naman ang sumisira sa ating kalikasan.

takdang aralin:

1.) nalulunod ba ang mga dolphin?

2.) anu ang kaibahan ng seal at sealion?

3.) sinu o anu ang nakakagulat sa kwento?

4.) sinu ang “the dangerous predator”?

5.) umawit ng “♫kung ikaw ay masaya, pumalakpak ka♪♫..(may action dapat)

6.) anu ang taas ng aking panganay na si marley? sa tagalog? at sa english?

7.) bakit at bakit hindi?

tsu..tsu..tren.

Posted: July 4, 2011 in Daily Service

ano ba ang pampublikong sasakyan ang paborito mo?

fx?

habal habal? (motorsiklo na walang sidecar)

trike?

pedicab?

kuliglig? (ipinagbawal na ito saka sa baclaran o quiapo lang ata meron nito.)

dyip?

bus?

o kaya naman ay TREN (MRT/LRT)?

kahit anu pa man yan ay nagiging walang kwenta kung sing-dami ng tao ang bubulaga sayo at sobrang trapik ang sasalubong sayo! ito ang aking karanasan sa paguwi ko dito galing sa bulacan..

napakagandang umaga ang bumulaga sa aking araw..kasama ang dalawa kong anak at ang aking magaling na asawa…
alas sais palang ng umaga ay gising na kaming magpapamilya..agad akong binigyan ng kape ni daisy habang nilalaro at ine-enjoy ko ang mga huling sandali na magkakasama kami ng anak ko…

tugudugutugudutug..tugudog..dugdug.. (alarm ng cellphone ko para ipaalala sa akin na kelangan ko ng umalis at mag asikaso para sa aking trabaho)

alas sais y medya ng magsimulang umiyak ang aking panganay sa aking pag alis at habang nag aabang kami ng bus sa harapan ng aming bahay sa bulacan ay hawak hawak ako sa kamay at hinihila papasok ng bahay…

“ayoko” ayoko” ang sabi ni marley…masakit man sa aking damdamin na iwanan ang aking mga anak ay kelangan kong gawin at kelangan ko mag hanap buhay para sa kapakanan din nila..(exponentially naks! parang mag sa-saudi lang ah)..

masakit sa aking damdamin ang pagsakay ko sa bus ng “baliwag transit, inc.” bukod sa iniisip ko ang pagpasok ko sa opisina ay kasabay din nito ang pagkawasak ng aking puso habang tinitingnan ang mga anak kong nag iiyakan…hindi ko na matiis kaya ibinaling ko nalang ang aking tingin sa loob ng bus na sinasakyan ko…ipinikit ang aking mga mata at ang huling namalayan ko ay nasa quezon avenue na ako…ang bilis ng biyahe..alas otso ng makarating ako sa “GMA station” ng MRT..bumaba ako at ng dahil hindi ako nag almusal ay kumakalam na ang sikmura ko..nagwawala na ang mga bulateng inaalagaan ko..agad din naman akong pumila sa bilihan ng ticket at pumasok sa istasyon ng tren..

agad kong ikinagulat ang aking nakita..siksikan sa buong platform ng istasyon ng tren..isang istasyon na hindi mo na mahulugan ng karayom..sobrang dami ng tao.tumingin ako sa labas at tinatanaw ko ang edsa..hindi na gumagalaw kaya siguro jumpack ang mga tao dito sa istasyon ng tren..wala na akong pinalampas na mga sandali at konti nalang siguro ay magigiba na ang istasyon ng tren dito sa may GMA-KAMUNING…siksik dito at siksik doon..maraming drama..maraming kwento..
isang babaeng naka itim ang tumawag ng aking pansin sa hindi kalayuan..nadukutan daw sabi ng mga pulis na naka antabay sa nasabing lugar pero agad din naming nawaglit sa isipang ko ng may dumating na tren..banggaan, tulakan at siksikan..sari saring hininga..amoy sigarilyo..amoy tuyo at kung anu anong amoy ng almusal nila kanina…anu pa nga bang inirereklamo ko eh nasa public transpo ako!

amoy pawis..kahit mga bagong ligo at magaganda ang kasuotan ay nanglilimahid sa pawis dala ng sobrang init at sa sobrang siksikan..at sa hula ko lang, ganun na ang magiging amoy nila maghapon hanggang sa mag si uwian ko ulit sila at sumakay ulit ng tren.
Walang tigil na tulakan at banggaan..
naipit ang aking tiyan..naipit ang aking mga dala..ang laruan ni bob..ang spam lite na binili ko na aking almusal sana ay nayupi sa sobrang lakas ng pwersa ng tulakan…ganyan ka tindi ang pwersa ng mga taong mahuhuli na sa kani-kanilang mga trabaho..
mag dadalawang oras na rin ng ako’y magsimulang makipag pwersahan sa mga tao..wala halos nakakasakay sa mga tren kasi sa unang istasyon palng sa NORTH AVENUE ay punuan na ang mga ito..mga dalawa hanggang tatlo nalang ang naisisiksik ng mga tao papasok ng tren at swerte pa kung mga lima ang aming maipwersa papasok ng nasabing pampublikong sasakyan…animoy isinisiksik na labada sa isang washing machine o kaya naman parang isang basura na pilit isinisiksik sa maliit na butas ng iyong bahay..kulang na kulang ang tren at yung boses na nagpapaalala sa mga pasahero ay mainit na rin ata ang ulo…napaka gulo..pero sa kabila nito meron din naming namuongg pagkakaibigan, kwentuhan at palitan ng mga opinyon pero pagdating ng tren ay galit galit muna sabay tulakan at banggaan ulit hanggang makasakay ka at makaalis sa mala impiyernong lugar na ito..

sinuwerte yata ako ng maitulak ako papasok ng tren at hindi ko na namalayan na nasa loob na pala ako ng sasakyan..agad kong tiningnan ang mga gamit ko..ang bag ko na may lamang damit..pagkain at laruan ng aking bunso..ang pitaka ko na may laman na pero..(hindi ko na sasabihin ang laman pero mga apat na libo lang naman)..

gusto mo bang makita talaga kung anu ang tunay na nangyari? panoorin mo nalang ito kasi malapit sa sitwasyon nito ang nangyari sa akin kanina…mas malala pa yata!

alas nuwebe bente uno ng ako ay makasakay na sa tren (tiningnan ko talga ang orasan bago umalis ang tren)…kung ikukumpara mo ang aking naging karanasan itoang maihahalintulad mo sa piyesta ng nazareno sa quiapo o kaya naman ang penafrancia sa naga nag sisiksikan para makalapit lang sa poon o sa isang rebulto na nagpapagaling daw kuno pero dito ang tren ang kanilang panginoon..nagnanais na makalapit para makasakay at makarating sa aming mga paroroonan…
sa isip ko lang mas maluwag pa ang loob ng sardinas dito at parang mas gugustuhin mo pa sa loob ng sardinas kasi hindi ka masasaktan kasi may sarsa at kahit sipa sipain ka pa ng mga bata patungo sa iyong paroroonan ay ayos lang atleast ay maluwag ka…

kung akala mo ay natapos na ang ang aking paghihirap ay nagkakamali ka..habang nasa loob ako ng tren sari saring pawis ang nararamdaman ko at wag na wag mo ng itanong kung anu ang mga amoy nito kasi sobrang nakakasuka..mga pawis,anghit at mga pabangong naging alimuog na sa sobrang kulob ng lugar…
nangangawit na ang aking mga paa at mga kamay sa pagtukod sa mga taong gumagalaw kasi sa sobrang sikip ay swerte mo na kung makakapunas kapa ng pawis mo sa mukha…kasabay nito ang patuloy na siksikan sa kada istasyon na daanan ng tren, parehong pareho ang mga sitwasyon..kelangan makipagsiksikan para lang makasakay…maliban lang sa shaw at boni na hindi sa side ko ang bumubukas na pinto..

nanghihina nako..gusto ko ng sumuko…parang gusto kong sumigaw ng “BOMBA!” para mag si alisan ang mga tao at lumuwag luwag naman ang paligid ko..nangangalay na ang buong katawan ko para may nakikita na kong liwanag, gusto ko ng sumama sa ilaw na nakikita ko ng bigla kong narinig na..

“GUADALUPE STATION..GUADALUPE STATION…please take care of your belongings…(ingatan ang mga gamit at mag ingat sa mga mandurukot)”..

Nakababa na ako ng killer tren pero kelangan ko namang umakyat ng hagdan..gusto ko sanang mag elevator pero ng makita ko ang mga kumag na nag uunahan at wala namang mga kapansanan ay nagpaubaya nalang ako..kelangan kong umakyat ng hagdan na may taas din yatang limampung baitang..marami pa akong nakasabay na mga matatanda na karapat dapat na mag elevator pero mas pinili na rin lang nilangn mag hagdan kesa makipag unahan pa sa mga bruskong lalake at babae sa elevator…pagkababa ko sa istasyon nanglalambot na ang aking mga binti at katawan..ang gutom ko ay sagad sagaran na..para bang gasolina ng sasakyan na pati yung “reserve“ ay nasaid na…nakakita akong ng isang turo turong karinderya at bumili nalang ako ng aking pagkain sa tanghalian kasi parang hindi ko na kayang lutuin yung spam na yupi na dala ko na gagamitin ko sana sa aking almusal pero nalipasan na ako..yung laruan ni bob na R/C chopper ay nayupi na rin..iniisip ko rin ang aking karanasan kanina habang nakikipagtulakan,banggaan at siksikan sa mga tao…grabe ang araw kong ito..napakatindi..pero isang pila pa ang hinintay ko bago ako tuluyang nakasakay ng dyip para makauwi sa aming bahay..bumaba sa dyip..naglakad patungo sa aming bahay at sa wakas nakarating din akong matiwasay at buhay sa aming bahay..nahiga ako at nagpahinga habang iniisip ang mga susunod na gagawin..iniisip ko kung maliligo, kakain o mag aayus ng gamit ba ang uunahin ko pero hindi na kaya ng katawan ko kaya nahiga higa nalang muna ako hanggang mawala ang mga naiisipan kong kasipagan…

sa dami ng pawis na nailabas ko kanina at sa gutom ko ay hindi ko na naisipan na mag ehersisyo na araw araw kong ginagawa para mapaliit ang katawan ko at para maipakita ang abs sa tiyan ko…boundary na ang ehersisyo na natamo ko sa pagsakay palang ng tren kaya siguro naman ay tuloy tuloy pa rin ang pagliit ng tiyan ko..para akong naglaro ng basketbol kanina sa sobrang pawis na nabawas sa katawan ko pero ayus lang naman ang importante eh nakauwi pa rin ako ng matiwasay kahit bugbog sarado ako ng parang animo’y nakipaglaban sa isang MMA fight (mixed martial arts katulad ng ufc)….

habang nag iipon ulit ako ng lakas para pumasok sa opisina ay kumain muna ako ng binili kong pagkain at pagkatapos ay nag ayos ng gamit at nagbihis papuntang opisina..isang panibagong paglalakbay ulit

isang panibagong paglalakbay nanaman sa ating napaka gandang public transportation!